Kris Aquino matatag sa malubhang sakit: ‘I really want to stay alive’

Lampas isang taon na ang gamutan ni Kris Aquino sa America, ngunit inilahad ng kilalang TV host at aktres na patuloy pa rin ang paglubha ng kanyang karamdaman.

Lampas isang taon na ang gamutan ni Kris Aquino sa America, ngunit inilahad ng kilalang TV host at aktres na patuloy pa rin ang paglubha ng kanyang karamdaman.

Sa panayam kay Kris sa ‘Fast Talk with Boy Abunda’, binahagi ng ‘Queen of All Media’ na patuloy ang pagbaba ng kanyang hemoglobin count na nasa 8.7, malayo sa normal count na 12 hanggang 16.

Lumubha rin ang pamamaga ng blood vessels ni Kris ni Kris dahil sa kanyang nilalabanang autoimmune disease na Churg-Strauss syndrome.

“Nag-double that first time and he (doktor) was so worried because when you have Churg-Strauss, ‘yung blood vessels natin ‘yun ‘yung tinatamaan, they become inflamed, nahihirapan ‘yung dugo na dumaloy sa katawan,” wika ni Kris.

Dahil dito, sasailalim si Kris sa bagong biological medicine na posibleng magsalba sa kanyang puso, ngunit may risk ito ng cardiac arrest.

Kaya hiling niya na ipagdasal siya ng publiko dahil matindi ang kanyang pagdadaanan sa susunod na anim na buwan.

Aniya, batid niyang pahiram na lang ng Diyos na umabot siya sa kanyang 53rd birthday.

“Bawat araw, especially now na birthday ko pa, pahiram na lang ‘to ng Diyos — binigyan ako ng bonus. So whatever days are left, kung anuman natitira, it’s a blessing,” ayon kay Kris.

“But I really want to stay alive. I mean, sino ba naman gusto sabihin, ‘Handa na akong mamatay.’ I don’t think any of us can say that,” aniya pa.

Pagbabahagi ng aktres, pinangako niya sa anak niyang si Bimby na lalaban siya para maabutan niya ang pagtanda nito.