Kotse, durog sa bumagsak na Acasia sa Camarines Norte

Agad naitakbo sa ospital ang mga biktima ng mga nakasaksi sa aksidente

CAMARINES NORTE – Wasak at yupi ang unahang bahagi ng sasakyan lulan ng tatlong katao matapos mabagsakan ng malaking punongkahoy ng Acacia, pasado alas-10:00 ng umaga nitong Oktubre 10.

Sa imbestigasyon, binabaybay ng sasakyan ang kalsada papuntang Daet ay tiyempong natumba ang puno ng Acacia sa tapat mismo ng kanilang sasakyan bunsod ng pag-uulan at malakas na hangin.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Paracale, hindi na nila naabutan ang mga biktima sa pinangyarihan ng aksidente dahil agad silang natulungan ng mga naunang responders at naipadala agad sa ospital.

Bukod dito, agad ding nagsagawa ng clearing operation para hindi nakakaabala sa daloy ng trapiko.

Sa ngayon, nagpapagaling sa ospital ang mga biktima.