Kontra korapsyon, kontra red tape: Proseso para pabilisin ang pagtatayo ng telco, internet facilities, pinirmahan ni PBBM

Layon ng Executive Order No. 32 na gawing mas simple ang pagkuha ng permit sa pagpapatayo ng mga telecommunications at internet facilities, na isang paraan para mapabilis at mapaganda ang internet connection sa bansa.

Inilabas na ng Malacañang ang implementing rules and regulations (IRR) para Executive Order (EO) No. 32, na layong gawing mas simple ang pagkuha ng permit sa pagpapatayo ng mga telecommunications at internet facilities.

Paliwanag ng Malacañang, itinakda ng naturang IRR ang isang proseso sa pagpapatayo ng mga imprastrakturang may kinalaman sa internet at telecommunications. Magbibigay rin ito ng standard form para sa building permit, pati ang mga kailangan upang makakuha nito.

Umani naman agad ito ng suporta, lalo na mula sa mga telco gaya ng PLDT, DITO, at Globe Telecom.

“This [IRR] will help accelerate the country’s digital transformation and open doors for more opportunities to Filipinos in the areas of education, employment, and innovation,” saad ni Ernest Cu, pangulo at CEO ng Globe Telecom.

“The EO will most definitely benefit not only DITO in our efforts to hasten our infrastructure roll out but most importantly the Filipino people who are to enjoy sooner the fruits of faster, more affordable, and reliable services,” sabi naman ni Adel Tamano, chief administrative officer ng DITO Telecommunity.