Konting antay na lang! PBBM, pipili na ng itatalagang kalihim ng DA – ES Bersamin

Sinisiguro na lang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nasa ayos ang mga sistema sa Department of Agriculture bago ito humirang ng permanenteng kalihim ng kagawaran, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin.

Malapit nang makapili ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng hihirangin niya bilang secretary ng Department of Agriculture (DA), ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin.

“I think he’s on the way to that,” sinabi ni Bersamin sa panayam niya kamakailan.

Humalili si Pangulong Marcos bilang kalihim ng DA nang pumasok ang kanyang administrasyon noong 2022.

“Well, alam na rin niya na kailangan sigurong mayroon na siyang regular na sekretaryo,” paliwanag pa ni Bersamin. “Ito kasing pagpipili ng Sekretaryo, siguro tinatantsa niya kung sino ‘yung dapat dahil ang agriculture portfolio ay napakaraming issues diyan.”

“Wala pa akong balita kung mayroon na siyang napupusuan but he’s I think on the way to that,” dagdag ni Bersamin.

Sa tingin ni Bersamin, may hawak nang short list ng kandidato ang Pangulo.

Noong Hunyo, sinabi ni Bersamin na nais niyang siguruhin na maayos ang sistema sa DA bago niyang lisanin ang kagawaran.