Konti nalang, may budget na: GAB para sa 2024, lusot na sa Senado

Mas mataas ng konti ang budget na lumusot sa Senado dahil tinaasan nito ang alokasyon sa mga ahensiyang may kinalaman sa seguridad, kabuhayan, at edukasyon.

Aprubado na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 2024 General Appropriations Bill (GAB)—o House Bill No. 8980—at bahagyang mas mataas ito sa ipinasa ng House of Representatives.

Nakatanggap ang GAB ng 21 affirmative votes, habang isang senador—si Senate Minority Leader Koko Pimentel—ay nag-abstain.

Walang negative votes na natanggap ang panukalang budget.

BASAHIN RIN: ‘We are on track’: Senado, tiwalang maaprubahan ang P5.768-trilyong panukalang budget sa itinakdang oras

Sa pagtalakay nito, nilagyan ng Senado ng mga pagbabago ang ipinasang bersiyon ng Kamara.

Partikular sa mga pagbabagong ito ay ang pagtaas sa budget ng mga ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa kapayapaan at seguridad, kabuhayan, at edukasyon.

Kanya naman mas mataas ang alokasyon sa Philippine Army at Philippine Navy para sa patuloy na modernisasyon nito, pati na rin sa Department of National Defense at Philippine National Police.

Tatalakayin pa sa isang bicameral conference ang GAB upang pag-aralan ang mga pagbabago.