Klaruhin lang natin! PBBM: Fishing restriction, hindi ban, ang pinag-aaralan ng gobyerno

Nilinaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi magbababa ang pamahalaan ng fishing ban; bagkus, ito ay magpapatupad ng fishing restrictions sa mga breeding areas lamang.

Hindi fishing ban kundi fishing restrictions sa breeding areas ang pinag-iisipang ibababa ng pamahalaan. Iyan ang paglilinaw ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa una nang naipabalita na plano ng magpatupad ng fishing ban sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa pangulo, hindi feasible ang pagbaba ng fishing ban dahil negatibo ang magiging epekto nito sa kabuhayan ng mangingisdang Pilipino.

“Hindi maganda ang pagpapaliwanag ko. Hindi fishing ban ang pinag-usapan ko,” paglilinaw ni Pangulong Marcos sa isang panayam sa Iriga, Camarines Sur. “Ang sinasabi ko, kung saan ‘yung breeding area ng isda, ‘wag tayong mangingisda doon para dumami yung isda.”

Pagdidiin pa ni Marcos, “walang fishing ban” dahil “hindi makakapaghanapbuhay ang tao.”

“Tingnan natin kung saan yung mga breeding grounds ng mga isda. Alagaan natin nang mabuti, ‘wag tayong papasok muna roon, para makarami tayo ng huli ng ating mga mangingisda,” dagdag pa ng pangulo.

Sinabi rin ng pangulo na magbibigay rin ang pamahalaan ng mas maraming cold storage facilities and ice machines sa mga mangingisda upang hindi agad mapanis ang mahuhuli nila.