Kilalang tulak ng droga sa Masbate, nasakote ng mga awtoridad

Nakuha sa suspek ang halos P500,000 halaga ng hinihinalang shabu.

MASBATE – Arestado sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng San Fernando Municipal Police Station (MPS), Regional Police Drug Enforcement Unit (RDEU), Regional Mobile Force Battalion Bicol, Regional Special Operations Unit, 96th Infantry Battalion, 9th Infantry Division Philippine Army ang isang tulak ng ilegal na droga sa Barangay Cañelas, San Fernando, Masbate.

Naaresto si “Alias Patang” sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng Regional Trial Court Branch 50 sa San Jacinto, Masbate dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa impormasyon, isang high value individual ang suspek at kasama sa Regional Recalibrated Drug watchlist ng awtoridad.

Nabatid ding dati ng nakulong si ‘Alias Patang’ ng limang taon dahil sa pagkakasangkot din sa iligal na droga.

Nakuha sa posisyon ng suspek ang isang calibre .38 na baril na kargado ng tatlong bala.

Maliban sa baril, nakuha rin sa suspek ang 12 heat-sealed transparent plastic sachet laman ang pinag-hinihinalaang shabu na tinatayang nasa 60 gramo o P476,000.00 ang street value.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng San Fernando Municipal Police Station ang suspek at ang mga nakuha ritong ebidensya para sa legal na disposisyon at proseso.