Kaya ibigay niyo na! 13th-month pay ng mga empleyado dapat mabigay bago Disyembre 24—DOLE

Pinaalala rin ng DOLE na pati mga kasambahay ay dapat makatanggap ng 13th-month pay.

Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga pribadong employer na ibigay ang 13th-month pay ng mga empleyado nila bago mag-Disyembre 24.

“Paalala sa ating mga employers, sana mas maaga niyong maibigay ang 13th month pay at iba pang bonuses ng ating mga manggagawa. Regular man o hindi, rank and file, supervisory o managerial, nang sa gayon ay mas maging maligaya ang kapaskuhan ng lahat ng manggagawang Pilipino,” paalala ni DOLE Undersecretary Benjo Santos Benavidez.

Sinabi rin niyang walang exemption sa pagbibigay nito dahil nasa batas ang pagbibigay ng 13th-month pay. Wala rin daw rason para ipagpaliban ang pagbibigay nito. Pinaalala rin niya na pati mga kasambahay ay dapat makatanggap nito.

“Ang mga kasambahay tulad ng mga manggagawa sa mga kumpanya, ay entitled din,” aniya.

Inabisuhan naman ng DOLE ang mga empleyado na ipagbigay-alam sa ahensiya ang anumang paglabag sa pagbibigay ng 13th-month pay. Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa DOLE sa 1349@dole.gov.ph o sa Facebook page nito.