Kay Vigor ka na magpaliwanag: Drayber ng SUV na sumalpok sa bangko, pinagpapaliwanag ng LTO; lisensya nito, suspendido na

Bukod sa suspendido ang lisensiya ng tatlong buwan, kailangan magpaliwanag ng drayber na si Edwin Balisong kung bakit hindi siya dapat kasuhan sa aksidenteng kumitil sa buhay ng isang babae.

Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng drayber ng sports utility vehicle (SUV) na umararo ng bangko noong Disyembre 29.

Binigyan na rin ng show-cause order (SCO) ang nasabing driver ng Toyota Fortuner na kinilalang si Edwin Balisong, pati na rin ang rehistradong may-ari ng naturang SUV.

Inaatasan ng SCO ang dalawa na ipaliwanag sa isang notarized affidavit ang nangyari sa insidente, kung saan isa ang patay at anim naman ang nasaktan.

BASAHIN RIN: Sudden Unintended Acceleration rin ba? Toyota Fortuner, inararo ang bangko sa QC nang biglang humarurot paabante

Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, ang imbestigasyon ng ahensiya ay bukod pa sa ginagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP).

“Through our investigation, gusto nating malinawan kung ano ba talaga ang nangyari na nagresulta sa nakakalungkot na insidenteng ito,” aniya.

Kung hindi makasusunod sa direktiba ng SCO, reresolbahin ng LTO ang kaso batay sa mga impormasyong nakalap nito sa imbestigasyon.

BASAHIN RIN: Drayber na nang-araro ng bangko, nakainom daw, sasampahan ng patong-patong na kaso