Kaso ni Alzate umuusad na, pagtitiyak ng NBI at PNP

Inanunsiyo ng PNP na mayroon na itong mga "strong leads" ukol sa pagpaslang sa abogadong si Maria Saniata Alzate, samantalang ibinalita naman ng DOJ na may mga suspects na ang NBI.

Ilang araw matapos bumuo ng special investigation task group para sa agarang imbestigasyon sa karumaldumal na pagpaslang sa abogadong si Maria Saniata Alzate, inanunsiyo ni Philippine National Police chief Gen. Benjamin Acorda Jr. na may mga “strong leads” na ang grupo hinggil sa pagkakakilanlan ng mga salarin.

Kaugnay nito, inanunsiyo rin ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Sabado, Setyembre 16, na may mga suspects na ang National Bureau of Investigation (NBI).

“May suspects na tayo. The NBI is on top of this,” pahayag ni Remulla sa isang panayam sa dzRH.

Si Alzate ay nakasakay sa kanyang Mitsubishi Mirage na nakaparada naman sa tapat ng kaniyang bahay Santiago Street, Barangay Zone 3 sa Abra nang siya ay pagbabarilin nang malapitan ng mga salarin.

Ayon kay Remulla, nagsasagawa ng parallel probe ang NBI at sinusuri na nito ang laman ng closed-circuit television cameras sa crime scene.

Una nang kinondena ng DOJ na “unacceptable” ang pamamaslang kay Alzate.