Kasangga ng tsuper at ng mga hari ng kalsada! Romualdez, hindi pababayaan ang mga jeepney na aniya’y tunay na tatak Pinoy

Ibinahagi rin ni House Speaker Martin Romualdez sa isang dayalogo ang mga karanasan nito sa tradisyunal na jeepney, gaya nang pagsakay niya sa mga ito noong kabataan niya. Nakikipagkarera pa nga raw siya sa mga tsuper noong una siyang natutong magmaneho.

Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez sa mga tsuper na hindi nito hahayaang mawala ang imahe ng tradisyunal na jeepney kahit pa gumugulong na ang modernisasyon sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.

“Ayokong mawala ang imahe ng ating jeepney,” sabi ni Romualdez sa mga tsuper ng jeep na personal nitong inimbitahan sa isang dayalago sa loob mismo ng tanggapan ng House of Representatives matapos makita ang mga ito na nagsasagawa ng kilos-protesta.

Dito inilarawan ng Speaker na imahe ng kulturang Pilipino ang mga jeepney.

“Lahat naman tayo, mahal naman natin ang ating mga jeepney, ‘yan talaga ang imahe talaga ng ating Pilipinong (kultura). Maski saan sa kantang ‘Manila’ ‘di ba, ang mga jeepney, sa mga kanta, basta mga jeepney ng mga Pilipino,” aniya.

Kaugnay niyan ay tiniyak ni Romualdez na pakikiusapan niya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na palawigin pa ang deadline ng konsolidasyon habang pinag-aaralan ng Kamara ang mas mabuting implementasyon ng PUVMP.

Ibinahagi rin ng Speaker sa parehong dayalogo ang mga karanasan nito sa tradisyunal na jeepney, gaya nang pagsakay niya sa mga ito noong kabataan niya. Nakikipagkarera pa nga raw siya sa mga tsuper noong una siyang natutong magmaneho.

“Palagi kong kinakarera ‘yong mga jeepney. Pinaka-matindi na mga driver ang jeepney driver. At syempre naman ‘yong serbisyo na binibigay sa taumbayan, hindi na ‘yan mawawala,” kwento niya.