Kasama kayo sa ‘Bagong Pilipinas’: PBBM, tiniyak ang patuloy na suporta sa mga OFW

Mahalaga para sa pangulo ang mga OFW, kaya naman todo suporta siya sa mga makabagong bayani ng bansa, na aniya ay may mahalagang papel sa pagtahak patungo sa "Bagong Pilipinas."

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na susuportahan ng pamahalaan niya ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa pamamagitan ng mga programa at proyekto na itataas ang antas ng kanilang pamumuhay.

“Marami pang proyekto ang nakapila, at kahit ang mga kasalukuyang programa ay pagagandahin pa natin. Umaasa po akong susulitin ninyo at gagamitin ng wasto ang mga benepisyong ito. Kasabay ng pagkayod ninyo sa ibayong dagat para sa mas magandang buhay ng inyong pamilya, ay ang aming pagsisikap na magpaunlad pa lalo sa ating bansa upang sa inyong pagbabalik ay makita ninyo ang malaking pagbabago,” saad ng pangulo sa isang talumpati sa ginanap na OFW Family Day sa Pasay City.

Isa sa mga proyektong ito ay ang pagtatag sa “One Repatriation Command Center,” isang 24/7 hotline (1348) na bukas sa mga OFW na nangangailangan ng legal assistance o gustong makauwi ng bansa.

Mayroon rin aniyang mga programa ang pamahalaan para sa mga OFW na gusto ng manirahan muli sa bansa. Kabilang dito ang Livelihood Development Assistance Program, Balik Pinas, Balik Hanap-buhay, at Tulong Pangkabuhayan sa Pag-unlad ng Samahang OFWs.

“Kaya hiling ko na magka-isa tayo [sa] pangangarap at pagpapanday ng isang bansang matatag, maunlad, at puno ng oportunidad para sa bawat Pilipino.Para makamit natin ito, hinihikayat ko ang lahat na yakapin ang pagiging isang makabagong Pilipino,” dagdag ng pangulo.

Binigyang-diin rin ng pangulo na malaki ang papel ng gagampanan ng mga OFW upang maaatim ng bansa ang “Bagong Pilipinas.”