Karahasan sa Kapaskuhan: Kagawad, utas dahil sa ubeng handa sana sa Noche Buena

Nag-dahilan diumano nang pananaksak ay ang paghukay ng asawa ng biktima sa tanim na ube ng suspek para ihain sa Noche Buena—bagay na tila lubos na ikinagalit ng huli.

Dead on arrival sa ospital ang isang kagawad sa araw mismo ng Pasko nang saksakin sa sarili nitong pamamahay.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Teddy Francisco Suano ng Barangay Aguada sa Northern Samar.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, pinasok ng suspek ang bahay ng biktima bandang 9:00 a.m. nitong Pasko, Disyembre 25, at pinagsasaksak ito gamit ang dalang kutsilyo.

Ayon rin sa imbestigasyon, ang dahilan nang pananaksak ay ang paghukay diumano ng asawa ng biktima sa tanim na ube ng suspek para ihain sa Noche Buena.

Nataon namang wala ang maybahay ng biktima nang mangyari ang pananaksak.

Naisugod pa sa Northern Samar Provincial Hospital ang biktima na nagtamo ng mga sugat sa katawan, ngunit dineklara itong dead on arrival.

Nahaharap naman sa kasong pagpatay ang suspek, na dinala rin sa ospital dahil sa mga sugat sa kamay.