Karagdagang upgrade ng Coast Guard, isinusulong ni PBBM

Bumisita ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa himpilan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagdiriwang ng ika-122 na taong anibersaryo.

Patuloy na susuportahan ang mga kinakailangang upgrade ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga kagamitan nito at karagdagang training para sa mga tauhan upang matugunan ang malaking nakaatas na responsibilidad sa ahensya na magbantay sa West Philippine Sea at protektahan ang soberanya ng Pilipinas, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ng Pangulo ang kanyang utos sa PCG nang bumisita ito para inspeksyonin ang BRP Malabrigo na isa sa mga malaking kaganapan na bahagi ng ika-122 na taong anibersaryo ng ahensya.

“Well, ito ‘yung mismong barko na na-water cannon. Kaya’t makikita naman natin na nag-i-increase ang ating capability para makapag-defend sa sovereign maritime territory ng Pilipinas,” ayon sa Pangulo.

“We are continuing with the upgrading of the equipment and the training and the capabilities of all our people, especially the Coast Guard, not only because they are on the frontline in the problems now that we’re facing in the West Philippine Sea but also because of the very important function that they play when it comes to search and rescue, when it comes to maritime incidents, when it comes to even disaster assistance, marami silang ginagawa,” dagdag pa ng Pangulo.

Sumailalim sa water cannon attack ang Malabrigo noong Agosto habang nasa resupply mission kasama ang militar papuntang BRP Sierra Madre sa may Ayungin Shoal.

Plano ng gobyerno na bumili pa ng 40 na patrol vessel para palakasin pa ang kakayahan ng PCG sa mga ginagawa nitong pag-patrolya ng teritoryo, ayon kay Pangulong Marcos.

Pinasalamatan rin ng Pangulo ang mga kaibigang bansa ng Pilipinas na patuloy na nagpapadala ng tulong para palakasin ang kakayahan nito.

“The Philippines is lucky as we have many friends around the world and marami sa ating mga kaibigan na karatig bansa at kahit na ‘yung galing sa malalayo ay tinutulungan tayo para pagandahin at patibayan ang ating Coast Guard,” ani Marcos.