Karagdagang teknolohiya laban sa umaagaw sa karagatan natin! Gobyerno ng Pilipinas, Canada magtutulungan laban sa iligal na pangingisda

Makakatulong ang kagamitan at teknolohiya ng Canada sa pagprotekta ng Pilipinas ng teritoryo nito, paliwanag ng kanilang ambassador.

Patuloy ang negosasyon ng Pilipinas at Canada para bigyan ng libreng access sa dark vessel detection program ng Ottawa ang Maynila na makakatulong sa pagsugpo sa iligal na pangingisda sa karagatang saklaw ng teritoryo nito.

Handa ang Canada na ikabit ang sistema sa Maynila kapag nalagdaan na ang kasunduan ng mga gobyerno nito, ayon kay Canadian Ambassador to the Philippines David Hartman.

“We are looking forward to imminently concluding negotiations on an agreement to provide the Philippines with access to Canada’s Dark Vessel Detection program,” sinabi ni Hartman sa Philippine News Agency.

“We are prepared, pending conclusion of the implementing agreement, to deploy the system in the coming weeks,” dagdag pa niya.

Magbibigay ang sistema ng kakayahan sa Pilipinas na bantayan ang karagatan nito dahil makikita agad dito ang mga bapor na nagpupunta sa karagatang saklaw ng teritoryo ng bansa. Matutulungan rin nito ang kampanya ng gobyerno laban sa mga iligal na pangingisda.

Nagsimula ang negosasyon sa pagitan ng dalawang gobyerno ngayong Enero matapos matukoy ng Ottawa ang Pilipinas bilang mahalagang katuwang nito sa kanilang Indo-Pacific Strategy.

Umaasa ang embahada na mapipirmahan ang kasunduan sa susunod na linggo kasabay ng ika-6 na pagpupulong ng Philippine-Canada Joint Commission for Bilateral Cooperation sa Ottawa.