Karagdagan proteksyon sa manggagawang Pilipino: PBBM, hinimok ang Senado na ratipikahan ang ILO Convention kontra karahasan sa trabaho

Ang ILO C190 ay nagbigay ng common framework kung paano tutugunan ang karahasan at harassment sa trabaho, pampubliko man o pribado.

Inaasahan ng Malacañang na raratipikahan ng Senado ang International Labour Organization (ILO) Convention No. 190, na naglalayong tugunan ang mga isyu ng workplace violence at harassment.

“The ratification of the ILO C190 will fortify the Philippine government’s mandate and policy in promoting and protecting the rights of Filipino workers, locally and overseas, by pushing for a work environment with zero tolerance for violence and harassment,” paliwanag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa liham niya Senado noong isinumite nito ang ILOC C190.

Noong nakaraang buwan pa sinumite ng Malacañang ang ILO Convention No. 190, na kilala rin bilang Convention Concerning the Elimination of Violence and Harassment in the World of Work. Pinagtibay ito ng ILO Convention General Conference na ginanap sa Geneva, Switzerland noong Hunyo 2019.

Ang ILO C190, na pormal na ipinatupad simula Hunyo 25, 2021, ay nagbigay ng common framework kung paano tutugunan ang karahasan at harassment sa trabaho, pampubliko man o pribado.

“In this regard, the country’s commitments relative to the ILO C190 contributes to the performance of key targets under the United Nations Sustainable Development Goals, particularly with respect to Goal 5 on Gender Equality and Goal 8 on Decent Work and Economic Growth,” dagdag ni Marcos.

Ayon rin sa pangulo, tama lamang na ratipikahin ng Senado ang ILO C190, gaya ng pagpayag dito ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang Department of Labor and Employment (DOLE), National Economic and Development Authority at Commission on Human Rights.