Kandidato pa lang ‘yan! Higit 6,000 na kandidato, inakusahan ng premature campaigning—Comelec

Marami pa ring talagang mga kandidatong pasaway. Patunay jan ang higit sa 6,000 show-cause orders na ibanaba ng Comelec sa mga sangkot diumano sa premature campaigning. Sa Oktubre 18 pa ang simula ng kampanya para sa BSKE.

Umabot na sa 6,000 kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ang pinagpapaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa premature campaigning.

Ayon sa Comelec Anti-Epal Task Force, 6,463 show-cause orders na ang pinamahagi nito sa mga kandidato para sa BSKE, 125 dito ay naka-file na para sa posibleng diskwalipikasyon.

Ang mga ito ay dumaan na sa verification process ng task force, at ang iba mga tugon ay tinuring nitong “unsatisfactory.”

Paliwanag ng Comelec, ipapa-raffle ang mga kaso sa mga dibisyon ng Comelec at ipatatawag ang mga may kaso para sa summary proceedings.

Una nang tiniyak ng Comelec ang maigting na paghabol sa mga kandidatong lalabag sa mga batas sa halalan, gaya nga ng premature campaigning.

Maaari lamang mangampanya ang mga kandidato sa BSKE simula Oktubre 18 hanggang Oktubre 29.

Gaganapin ang halalalan sa Oktubre 30, na idineklarang special nonworking holiday ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.