Kampo ni dating NCAA MVP Rhenz Abando, balak diumanong ihabla ang kapwa manlalaro sa KBL

Isang buwan o higit pang hindi makakalaro ang basketbolistang si Rhenz Abando dahil sa mga natamo nitong injury matapos itong itulak ng kalaban habang nasa ere pa.

Nagbabalak umano ang kampo ni dating NCAA MVP Rhenz Abando, na naglalaro ngayon sa Korean Basketball League (KBL) bilang isang Asian import ng Anyang KGC, na sampahan ng kasong sibil si Chinanu Onuaku, na import naman ng koponang Goyang Sono.

Ayon sa Naver Sports ng South Korea, inihahanda na ang kampo ng 25-anyos na high-flyer ang reklamo laban kay Onuaku, na tumulak kay Abando habang nasa ere ito para sa isang offensive rebound sana.

Na-off-balance naman ang dating manlalaro ng Gilas Pilipinas, na nagresulta sa masamang pagbagsak nito. Nagtamo si Abando ng mga fracture sa kaniyang likod, sprained wrist, at concussion dahil sa pagkabagok nito.

Una nang pinatawan ng pamunuan ng KBL ng 3-milyong won (P127,000) na multa si Onuaku, na hindi pa humihingi ng dispensa kay Abando, ayon na rin sa kampo ng Pilipinong manlalaro.

Batay sa mga ulat, hindi makakalaro si Abando ng isang buwan o higit pa dahil sa mga injury na tinamo nito dahil sa tulak ni Onuaku, na kapatid ng dating import ng Meralco Bolts sa PBA na si Arinze Onuaku