Kampihan kontra lokohan: DILG, SEC nagkampi upang sugpuin ang mga online scam

Humigit-kumulang 8,000 na ang nabibikitima ng online scams sa bansa mula Enero hanggang Agosto 2023. Iyan ay batay sa datos ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group.

Magtutulungan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Securities and Exchange Commission (SEC) upang tuluyan ng sugpuin ang online scams na bumibiktima sa maraming Pilipino.

Kaugnay nyan ay pumirma sina DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. at SEC chairperson Emilio Aquino ng isang memorandum of agreement sa SEC main office sa Makati City noong Martes, Nobyembre 7.

Sa ilalim na naturang kasunduan, tutulungan ng DILG ang Anti-Scam and Illegal Taking of Investments Group (ASTIG) ng SEC, na nagbabantay laban sa mga financial scams, gaya halimbawa ng pyramiding.

“This partnership is very timely as we need to educate the public about the fast-growing menace of investment frauds,” sabi ni Abalos sa isang pahayag galing DILG.

Dagdag ni Abalos, humigit-kumulang 8,000 na ang nabibikitima ng online scams sa bansa batay sa datos ng Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG), at nagresulta ito sa pagkamkam ng mga manloloko ng mahigit P155 milyon mula sa mga biktima nila. Ang naturang datos ay mula Enero 2023 hanggang Agosto 2023 lamang.

Kumpiyansa naman si Abalos na malaki ang maitutulong ng DILG sa laban kontra online scam, lalo’t magtutulungan sila ng SEC na bigyan ng sapat na kaalaman ang mga Pilipino kung paano makakaiwas sa mga scam.

“I am confident that the DILG, as purveyor of excellence in local governance, will be a key driving force to the network’s greater success,” sabi ni Abalos.