Kambing kapalit ng armas! 10 rebelde, sumuko sa awtoridad sa Casiguran, Sorsogon

Isinuko ng mga rebelde ang mga baril at explosive devices sa mga awtoridad, at binigyan sila ng mga kambing na magagamit nila sa hanapbuhay.

SORSOGON – Boluntaryong sumuko sa Casiguran Municipal Police Station (MPS) ang nasa 10 miyembro ng rebeldeng grupo mula sa ibat-ibang bayan ng Sorsogon pasado alas-6:00 ng gabi nitong Lunes, Disyembre 18.

Ayon sa Officer-in-Charge (OIC) ng Police Community Affairs and Development Group (PCADG) sa Sorsogon Police Provincial Office na si Police Major Joven Moriones, ang 10 rebelde ay nagbalik-loob na sa gobyerno matapos na mahikayat ng mga dating kasamahan sa grupo.

Kusa nilang isinuko ang mga baril at explosive devices na kasalukuyang nasa pangangalaga na ng mga awtoridad.

Kaugnay nito, nakatanggap naman ang mga sumukong rebelde ng mga kambing galing sa Department of Agriculture (DA).

Samantala, siniguro naman ng mga kapulisan na buo ang kanilang suporta para sa mga nagsipagsukong rebelde.