Kamara tinawag na ‘brilliant’ ang ‘bloodless drug war’ ni PBBM—mambabatas

“Makatao pero epektibo” ang paglalarawan ng ilang miyembro ng Kamara ang war on drugs ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, lalo kung ikukumnpara sa giyera sa droga na pinamunuan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Suportado ng liderato ng House of Representatives ang anila’y “bloodless drug war” ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

“It’s a bloodless war. It shows that we can slay the dragon that is the drug menace without lives lost,”” sabi sa isang pahayag ni Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers, na chairman rin ng House Committee on Dangerous Drugs.

Sa hiwalay na pahayag, tinawag naman ni Iloilo 1st district Rep. Janette Garin na “brilliant” ang istratehiya ni Marcos dahil sa “efficacy” nito na may kasamang “humanity.”

Pinahayag nina Barbers at Garin ang kanilang suporta sa drug war ng kasalukuyang pamahalaan matapos ang mga patutsada ni dating pangulo Rodrigo Duterte, na pinaratangan ang Kamara ng pagwawaldas ng kaban ng bayan. Si Duterte rin ang nagpatupad ng madugong giyera sa droga sa kaniyang termino, kung saan marami ang namatay dahil sa pagkakasangkot nila umano sa iligal na droga.

Samantala, tila pinatotohanan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Virgilio Lazo na talagang bloodless ang war on drugs ni Marcos, nang ianunsiyo nito sa isang public hearing ng dangerous drugs panel na mas konti ang mga nasasawi sa drug operations ng kasalukuyang pamunuan kumpara sa pamahalaan ni Duterte.