Kalat na naman sa karagatan! Oil spill, namataan ng PCG sa may Palawan

Agad na na-contain ng Philippine Coast Guard ang isang oil spill na naganap sa karagatang malapit sa Puerto Princesa Port sa Palawan.

Nagmamatyag ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isang oil spill sa may karagatang malapit sa Puerto Princesa City Port sa Palawan noong Sabado, Setyembre 30.

Agad namang tinugunan ng PCG ang nasabing oil spill gamit ang apat na oil spill boom at mga sorbent pads.

Ayon sa opisyal na pahayag ng PCG, dalawang drum ng langis ang nakolekta nito, at kasalukuyan namang inaalam kung anong klaseng langis ang tumapon. Kasalukuyan rin inaalam ng PCG kung saan nanggaling ang langis.

Kaugnay nito, kumuha na ang mga marine science technicians ng PCG ng mga sample mula sa dalawang barkong nakadaong sa Puerto Princesa City Port para ikumpara ang mga ito sa langis na nakuha.

Nakipag-coordinate na rin ang PCG sa isang roll-on/roll-off passenger vessel na nanggaling sa nasabing port.