Kailangang pondohan talaga: Halos P10 bilyon, kailangan para sa learning recovery ng mga mag-aaral

Batay sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment, nahuhuli nang lima hanggang anim na taon ang mga Pilipinong mag-aaral sa mathematics, science, at reading.

Tinatayang nasa P10 bilyon ang kakailanganin pondo ng Department of Education (DepEd) para sa mga academic recovery programs bito na tutulong sa mga mag-aaral na makakuha ng mas matataas na iskor sa mga international assessments gaya ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).

“Our office estimated that we will need approximately P10 billion to intensify [our academic programs] because what we need now is not only learning recovery, but an intensified learning recovery from kindergarten all the way to Grade 10 in order to help students catch up,” paliwanag ni Sen. Sherwin Gatchalian sa isang panayam sa CNN Philippines.

Ang P10 bilyong ito, ayon kay Sen. Gatchalian, na siya ring chair ng Senate basic education committee, ay para lamang sa mga panandaliang solusyon, lalo pa’t matuloy na mabababa ang iskor ng mga Pilipinong mag-aaral sa mathematics, science, at reading.

Sa katunayan, batay sa resulta ng PISA, nahuhuli nang lima hanggang anim na taon ang mga Pilipinong mag-aaral sa larangan ng mathematics, science, at reading.

Bagaman malaking pondo ang kailangan para sa academic recovery programs, sinabi ni Gatchalian na P2.9 bilyon lamang ang nilaan ng DepEd dito.

Kaugnay niyan, sinabi rin ni Gatchalian na itutulak niya sa bicameral conference sa national budget na ilipat ang ibang pondo sa learning recovery.