Kailangan ‘yan: Bawat ahensya ng gobyerno, dapat may cybersecurity team – DICT

Mungkahi ng Department of Information and Communications Technology (DICT), dapat may dedicated cybersecurity team ang bawat ahensya ng gobyerno upang mas matugunan ang mga cyber incidents na tulad nang kinaharap ng PhilHealth kamakailan.

Hinikayat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Linggo, Oktubre 8, ang mga kawani ng pamahalaan na magtayo na kani-kanilang mga cybersecurity response teams na tutugon sa mga cyber incidents na gaya nang kinaharap ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kamakailan lang.

“We… have to rely, kahit maliit na group lang, let’s say 7 people, in every large national government agency,” paalala ni Dy DICT Undersecretary Jeffrey Ian Dy sa isang panayam sa Teleradyo Serbisyo.

Aniya, mayrooon namang National Computer Emergency Response Team (NCERT) ang DICT, ngunit hindi nito kayang tugunan ang mga pangangailangan ng lahat ng ahensiya ng gobyerno.

“We respond to more than 3,000 events, or cybersecurity issues nationwide, mula January hanggang August. Pero ang mga tao namin puro mga [job order],” paliwanag ni Dy.

Dagdag pa ni Dy, mahalaga ang isang cybersecurity team lalo’t dumarami na ang cyberattacks ngayon.