Kailangan talaga ungkatin ang kapalpakan! Kongreso, tutukuyin ang ugat ng pangit na serbisyo, kapabayaan sa NGCP — Sandro Marcos

Paliwanag ng anak ng pangulo, may "compelling need" para pormal na imbestigahan ang National Grid Corporation of the Philippines para na rin malaman kung may sapat na kakayanan ba ito o dapat nang ilipat sa iba ang transmission ng kuryente sa Western Visayas.

Mismong si Ilocos Norte Rep. at Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos na ang naghain ng panukala para pormal na imbestigahan ng House of Representatives ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos ang malawakang power outage sa Western Visayas na tumagal ng tatlong araw.

“There is a compelling need for Congress to conduct an investigation with the end in view of revisiting and reviewing the franchise of the NGCP,” saad ni Rep. Marcos sa House Resolution No. 1534 na kaniyang isinumite sa Kamara noong Enero 5.

“The review should include the possible separation and transfer of the systems operation function from the NGCP to another entity which could carry out such function more efficiently,” dagdag pa niya.

Ayon kay Marcos, ang isinusulong nitong resolusyon ay layong masiguro ang “timely expansion of the transmission system in line with the development needs of our people and for its effective and efficient operation.”

Sa tulong nito, aniya, mapagtutuunan ng pansin ng NGCP ang pagpapagawa at pagpapatakbo ng mga transmission grid upang hindi na maulit ang nangyari.