Kailan kaya darating ang resbak? Resupply ship ng BFAR, binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard sa may Scarborough Shoal

Ayon mga nakasaksi sa pambobomba, sa sobrang lakas ng pagbomba ng water cannon ng barko ng Chinese Coast Guard, nayupi ang radar ng barko ng BFAR resupply ship.

Isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang binomba ng barko ng Chinese Coast Guard (CCG) habang nagsasagawa ang una ng isang resupply mission sa may Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.

Nangyari nitong Sabado ng umaga, Disyembre 9 ang insidente, na nasaksihan ng mga mamamahayag na kasama sa naturang resupply mission.

“Ongoing itong ginagawang pambobomba ng water cannon sa mga barko ng Pilipinas, particularly sa’min sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Hinaharang kasi nila itong mga barko ng BFAR para makapag-distribute ng mga krudo at iba pang suporta para sa mga mangingisda nating kababayan dito sa Scarborough Shoal,” ayon sa isang saksi.

Nagsimula ang harassment bago mag-9 a.m., at noong una raw ay iniiwasan pang tamaan ang barko ng BFAR. Subalit ilang sandali pa ay direkta nang pinapatamaan ang barko ng Pilipinas. Aniya, sa sobrang lakas ng tama ng water cannon, nayupi ang radar ng barko ng BFAR.

Mayroon pang kasamang Chinese militia vessels ang CCG, na nang-harass din sa barko ng BFAR nang lapitan ito at dikitan ng malapitan.

Hindi na bago ang mga ganitong insidente, dahil dati na ring ginawa ito ng CCG sa mga barko ng Pilipinas na tumatahak sa West Philippine Sea para sa mga resupply mission.