Kailan ang rematch? Marlon Tapales, bigong iuwi ang undisputed crown matapos pabagsakin ni Naoya “Monster” Inoue

Nais sana ni Tapales na maging kauna-unahang unified champion sa super bantamweight division, subalit hindi ito nakaporma sa galing, lakas, at bilis ng kaniyang kalabang Hapon, na wala pa ring talo.

Bigo ang Pilipinong boksingero na si Marlon Tapales na masungkit ang apat na kampeonato sa super bantamweight division nang ma-knockout ito ni Naoya Inoue ng Japan sa ikasampung round ng unification showdown nila sa Japan nitong Martes, Disyembre 26.

Tila kabado ang parehong boksingero sa unang dalawang rounds ng laban, kung saan nakatuon ang atensiyon ni Tapales sa depensa, samantalang maingat naman sa mga suntok niya si Inoue.

Ikatlong round nan ang magsimulang maging agresibo ang Hapon, na kilala sa kaniyang angking bilis ant lakas ng suntok. Nagpatuloy ang kaniyang pag-atake sa ikaapat na round, na tinapos niya sa pag-iskor ng isang knockdown may 20 segundo nalang ang natitira.

Hindi na pinaporma na ni Inoue ang Pilipino, na nakuha ang IBF at WBA belts nang talunin nito si Murodjon Akhmadaliev ng Uzbekistan noong Abril. Isang matinding kumbinasyon sa unang bahagi ng round 10 mula kay Inoue ang nagpatumbang muli kay Tapales, na hindi na nakatayo pang muli.

Sa kaniyang pagkakapanalo, si Inoue na ang unang boksingero sa kasaysayan ng 122 kg division na nakopo ang WBC, WBA, WBO, at IBF titles.