Kahit sa airport, hindi papapasukin yan! Vietnamese national na lasing at ‘sabog na sabog,’ arestado matapos magwala sa tapat ng mall sa Pasay

Itinanggi ng suspek na sabog siya at na iligal na droga ang nakuha ng kapulisan sa kanya. Hindi rin raw siya bumabatak. Sa katunayan, pauwi na nga raw sana siya sa Vietnam nang mayaya ng mga kaibigan nitong uminom muna.

Kulong ang isang Vietnamese national matapos nitong magwala at mag-eskandalo sa tapat mismo ng isang shopping mall sa Barangay 79 sa Pasay City nitong madaling araw ng Miyerkules, Enero 17.

Batay sa imbestigasyon, nagwawala ang lalaki at nakakaabala na sa mga dumaraan lamang kaya’t inireklamo na ito.

Dito na rumesponde ang mga pulis.

“Noong in-approach nila, talagang nagwawala ‘yung tao, only to find out na lango siya sa alak. Naaamoy din siya that time,” kwento ni Capt. Philadiane Fronee Clemeña, hepe ng Substation 5 ng Baclaran police. “Noong ayaw niya sumunod, kailangan namin siya i-subdue. Hindi na namin siya ma-control.”

Nang kinapkapan naman nila ang lalaki upang matukoy kung sino siya ay narekober nila ang isang sachet ng hinihinalang shabu.

“Meron siyang nakaipit na papel sa kanyang bulsa. ‘Yun pala ‘yung xerox copy ng passport niya, then suddenly may nalaglag na small heat-sealed sachet na believed to be shabu,” kwento pa ni Clemeña.

Hinala ng mga pulis, hindi lang lasing kundi sabog rin ang dayuhan nang mag-amok ito.

“Sabog na sabog siya, para siya lutang na hindi na sya nakikinig. Unruly talaga yung tao. ‘Pag nilapitan mo siya, aambahan ka niya,” sabi ni Clemeña.

Itinanggi niyang iligal na droga ang nakuha ng kapulisan sa kaniya. Hindi rin raw siya bumabatak. Aniya, pauwi na sana siya nang mayaya ng mga kaibigan nitong uminom muna.