Kahit nakalusot sa pandaramong, tuloy pa rin ang kulong! Jinggoy, guilty sa panunuhol, absweldo sa pandarambong ng Sandiganbayan kaugnay ng Napoles pork barrel scam

Pinawalang sala ng Sandiganbayan si Senador Jinggoy Estrada sa kasong pandarambong o plunder, pero hinatulang guilty sa direct at indirect bribery.

Lusot si Senador Jinggoy Estrada sa kasong pandarambong o plunder na may kaugnayan sa pagkakasangkot niya diumano sa pork barrel scam noong 2013, matapos ibaba ng Sandiganbayan ang hatol nito Biyernes ng umaga, Enero 19.

Ngunit, nahatulang guilty si Estrada sa direct bribery, na may parusang pagkakakulong ng 8–9 na taon, at indirect bribery, na may parusang pagkakakulong ng 2–3 na taon.

“After 10 years… I was exonerated by the court. That means I am not guilty of anything. I did not steal any money. I did not receive any money from whoever,” saad ni Estrada sa isang ambush interview ng mga mamamahayag.

No comment naman si Estrada sa kasong bribery dahil hindi pa raw niya nababasa ang desisyon ng Sandiganbayan, na ibinaba nitong Biyernes ng umaga, Enero 19.

Sa isang hiwalay na panayam naman, sinabi ng abogado ni Estrada na si Atty. Alexis Abastillas Suarez na “very big victory” para sa senador ang desisyon ng Sandiganbayan.

Tumanggi rin muna siyang magkomento sa mga salang bribery.

“Pero sa charges ng direct and indirect bribery, hindi po muna namin alam kung anong basis ng court for the charges. Kasi bribery is not part of the information, so hindi siya connected sa information on the crime of plunder,” paliwanag niya.

“So, titignan muna namin, basahin muna natin ‘yung decision ng court kung anong basis nila for the bribery. But we take this as a very, very big victory for us kasi he was exonerated of the crime of plunder,” ani Suarez.

Hunyo 2014 nang kasuhan si Estrada ng pandarambong kasama sina dating senador Bong Revilla at Juan Ponce Enrile.