Kagandang lahi naman n’yan: Half-brother ni Michelle Dee na si Abe Lawyer, nais pasukin ang showbiz kahit na hindi marunong mag-Tagalog

Sinabi ni Michelle na balak ring pumasok sa showbiz ng nakababatang kapatid niya na si Abe Lawyer. Ang problema, hindi pa ito marunong mag-Tagalog.

Umaani ng matinding atensiyon ngayon ang half-brother ng pambato ng Pilipinas sa Miss Universe na si Michelle Dee.

Si Abraham “Abe” Lawyer, na anak ni Melanie Marquez sa sa Amerikanong si Randy “Adam” Lawyer, ay nagiging usapan sa social media ngayon dahil sa angking kagwapuhan nito at matipunong pangangatawan.

Si Dee naman ay anak ni Marquez kay Frederick Dee.

Gaya ng kaniyang pamosing kapatid, isa ring modelo si Abe, na ngayon ay 20-anyos na at naglalaro rin ng tennis.

Unang umugong ang pangalan ni Abe nang makita siya sa social media na full support kay Dee sa pagsabak nito sa Miss Universe. Sa katunayan, nasa El Salvador rin siya noon at namigay pa ng mga maliit na bandera ng Pilipinas.

Napanood rin siya sa “Fast Talk with Boy Abunda” kasama si Dee, na sinabing balak ng nakababatang kapatid na pumasok rin sa showbiz.