Kabaong ni Dingdong Dantes sa ‘Rewind’, binenta kay Boss Toyo

Naibenta sa halagang P250,000 sa YouTube content creator na si Boss Toyo ang kabaong na ginamit ni Dingdong Dantes sa pelikulang 'Rewind'.

Naibenta sa halagang P250,000 sa YouTube content creator na si Boss Toyo ang kabaong na ginamit ni Dingdong Dantes sa pelikulang ‘Rewind’.

Ang naturang kabaong ay mula sa funeral parlor na pagmamay-ari ni Pasky Ilagan.

Sa episode ng vlog ni Boss Toyo na “Pinoy Pawnstars” nitong Biyernes, nagtungo si Ilagan sa kanyang shop upang ibenta ang kabaong sa halagang P1 milyon.

“Ito po ‘yung ginamit sa shooting ng ‘Rewind’ [ni] Dingdong Dantes; first time [niya] humiga,” wika ni Ilagan sa vlog. Dala pa niya ang video na magpapatunay na ginamit nga ni Dantes sa ‘Rewind’ ang kabaong.

“Unang-una, walang pirma ni Dingdong,” sagot naman ni Boss Toyo.

“Balak po sana namin—nung shooting kasi medyo mabilis [pero] pipirmahan sana ni Dingdong,” saad naman ni Ilagan.

Pinresyuhan ni Boss Toyo ng P200,000 ang kabaong ngunit tumanggi si Ilagan, hanggang sa nagkasundo sila sa halagang P250,000.

Ang pelikulang ‘Rewind’ na pinagbidahan ni Dantes at ng asawa nitong si Marian Rivera ay kumita ng mahigit P900 milyon sa nagdaang Metro Manila Film Festival.