Kabaliwan o kababalaghan! Lalaking sinaniban daw, kalaboso sa pananaksak at pambubugbog

Mala-gabi ng lagim ang kwento ng isang lalaki na nangbugbog at nanaksak sa Quezon City. Aniya, tila sinaniban siya kaya hindi niya alam ang ginagawa niya.

Himas rehas ngayon ang isang lalaki dahil sa pambubugbog ng isa pang lalaki at pananaksak sa pulis na rumespunde sa insidente sa Quezon City nitong Miyerkules, Nobyembre 1.

Ayon sa pulis, kinilala ang lalaki na si Brian Boldero, na agad namang inamin ang kaniyang mga krimen.

Paliwanag naman ni Boldero, may sumanib diumano sa kaniya nang gawin niya ang pambubugbog at pananaksak.

“Hindi ko po sinasadya… basta nagulat lang ako na biglang may sumasanib… Hindi ko alam iyon eh, nagulat lang ako,” kwento ni Boldero sa isang panayam.

Sugatan ang lalaking binugbog umano ni Boldero, samantalang nasa maayos na kalagayan na si Patrolman Jonathan Orlanes, ang pulis na sinaksak ng suspek.

Na-recover ang isang patalim kay Boldero, na mahaharap sa kasong frustrated homicide, direct assault, serious physical injury, at illegal possession of a deadly weapon.