Justice served! Menor de edad, hinatulang makulong ng 15 na taon sa paggahasa, pagpatay kay OFW Jullebee Ranara

Hinatulan ng Juvenile Court of Kuwait ang isang menor de edad ng 15 taong pagkakabilanggo kaugnay sa paggahasa at pagpatay sa OFW na si Jullebee Ranara.

Guilty ang isang menor de edad na Kuwaiti sa paggahasa at pagpatay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Jullebee Ranara noong Enero.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), pinatawan ng Juvenile Court of Kuwait nang parusang 15 taong pagkakakulong si Al-Azmi nitong Huwebes, Setyembre 15. May karagdagang 1 taong pagkakakulong ring ipinataw kay Al-Azmi dahil sa pagmamaneho nang walang driver’s license.

“The Department of Foreign Affairs wishes to inform the public that according to the Philippine Embassy in Kuwait, the Juvenile Court in Kuwait today CONVICTED the killer of OFW Jullebee Ranara, sentencing him to 15 years imprisonment for murder and 1 year imprisonment for driving without license,” pag-uulat ni DFA Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega sa isang opisyal na pahayag.

Paliwanag rin ng ahensiya, lesser penalty lamang ang ipinataw kay Al-Azmi dahil ito ay menor de edad pa. Mayroon rin siyan 30 days para iapila ang desisyon ng korte.

Si Ranara ay natagpuang patay at sunog na sa isang disyerto malapit sa Al-Salmi Road noong Enero 21, 2023. Batay sa autopsy, napag-alamang ginahasa rin ang 34-anyos na OFW. Buntis rin si Ranara nang maganap ang karumal-dumal na krimen, na mariin namang kinondena agad ng mga opisyales ng Kuwait.