Junk shop na mala-luxury hotel sa Pampanga, bistado ng solon!

Kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang isang barangay captain sa Mexico, Pampanga matapos na matuklasan na may junk shop doon na kasing ganda ng five star hotel.

Kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang isang barangay captain sa Mexico, Pampanga matapos na matuklasan na may junk shop doon na kasing ganda ng five star hotel.

Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs, ginisa ni Laguna Rep. Dan Fernandez si Alfredo David, na barangay captain sa Brgy. Lagundi.

Ito’y matapos na mabuking ang junk shop na itinayo ng Infinity 8 Trading Corporation.

Ngunit ayon kay Mexico, Pampanga Mayor Rodencio Gonzales, tila hindi junk shop kundi isang luxury hotel ang itinayong gusali.

“At first we were only able to access one office, then yesterday we had a joint ocular inspection together with the provincial government and the municipality. We were able to access the luxury building… it looks like a five-star hotel,” saad ni Gonzales.

Nang tanungin ni Fernandez ang barangay captain, iginiit nito na wala umanong mamahaling building sa lugar.

Ngunit sa isang video na ipinalabas ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, makikita ang malaking gusali pero giit ng barangay captain ay isa raw itong junk shop kung saan dinadala ang mga kalakal na basura sa lugar.

Hindi naman pinaniwalaan ni Fernandez ang paliwanag ng kapitan.

“You know you are under oath, and we don’t want this to be a practice of all the resource speakers that we are inviting. We have to set the rules on this committee for us to ferret the truth of the issues that we are investigating. You are interfering eh, you are tricking us,” giit ni Fernandez.

Ang naturang luxury junk shop ay nadiskubre sa imbestigasyon ng Kamara hinggil sa mga Chinese na nakabili umano ng lupa sa Pilipinas na mahigpit na pinababawal sa Konstitusyon.

Pinagsususpetsahan din na ang mga lupa ay ginagamit para paglagakan ng mga shabu.