Joint maritime drills daan sa mapayapang WPS – Marcos

Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi gulo kundi kapayapaan ang layunin ng pagdaraos ng joint maritime drills sa West Philippine Sea (WPS).

Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi gulo kundi kapayapaan ang layunin ng pagdaraos ng joint maritime drills sa West Philippine Sea (WPS).

“Iyon ang area na binabantayan natin. Kami nagpapasalamat sa lahat ng mga iba’t ibang bansa kahit na hindi… Iyong iba nga ay nanggagaling sa malayo pa ngunit sila ay handang tumulong sa atin at kapag tayo’y nagkakaproblema, very supportive sila hanggang hindi lamang sa salita kung hindi pati na sa mga tinatawag na joint cruises,” pahayag ni Marcos sa isang panayam sa General Santos City.

Sa Balikatan 2024 ay nagsagawa ang Pilipinas, US at ilan pang kaalyadong bansa ng joint maritime drills sa WPS.

Todo rin ang pasasalaman ng pangulo sa mga bansang tumutulong sa Pilipinas sa pagbabantay sa WPS.

“Kaya’t napakalaking bagay ‘yan dahil ito lang ang paraan upang magarantiya natin na ang West Philippine Sea ay patuloy ang tinatawag na freedom of navigation at ang daming dumadaan diyan at ‘yung tinatawag na global economy ay umaasa at kinakailangan para ang global economy ay gumanda, kailangan libre, ligtas ang lugar ng West Philippine Sea,” aniya.

“Kaya’t lahat ng tumutulong sa atin, tayo kasama rin diyan, lahat ng tumutulong sa Pilipinas, kami’y nagpapasalamat at ito ay magiging malaking bagay, malaking tulong para mapayapa at maging stable, may stability ang West Philippine Sea,” dagdag pa ng pangulo.