Iuuwi rin namin kayo: DMW, inaayos na ang pag-uwi ng 120 OFWs na ipit rin sa giyera sa Israel

Isang grupo pa ng mga OFW ang humiling sa Department of Migran Workers na makauwi muna ng Pilipinas sa gitna ng lumalalang tensiyon sa pagitan ng Israel at ng Hamas at Lebanon.

Under processing na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang hiling ng 120 pang overseas Filipino workers (OFW) na makaui na ng Pilipinas upang makatakas sa patuloy na bakbakan ng Israel at Hamas, pati na rin ang lumalalang tensiyon sa pagitan naman ng Israel at Lebanon.

“When we say process, tinatawagan ng pangalawa, pangatlong beses at sinisiguro na gusto nilang maka-uwi,” paliwanag ni DMW Officer-in-Charge Undersecretary Hans Leo Cacdac sa isang panayam sa radyo.

Kung maayos na ang lahat, sila ay susunod na sa ikaapat na batch ng OFW na pauwi na rin ng bansa sa Huwebes, Oktubre 24.

Kaugnay nito, sinisigurado ng DMW na maayos ang pagliban ng mga OFW mula sa kanilang mga employer upang makabalik sila rito sa oras na humupa na ang karahasan.

Gayunpaman, pinagaaralan na rin ng pamahalaan kung paano mabibigyan ng trabaho ang mga umuwing OFW kung sakaling magtagal pa ang tensiyon sa Israel o piliin nilang dito nalang muna manirahan.

Tiniyak na rin ng DMW na bukas sila sa iba pang mga Pilipino na nais umuwi dahil sa tensiyon sa Israel at Lebanon.