Ito ang totoong dasurv! Gratuity pay ng mga Medal of Valor awardee, tinaasan ni PBBM

Ang Medal of Valor ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng Hukbong Sandatahan sa mga sundalong nagpamalas ng katapangan, sakripisyo, at kabayanihan sa pagsisilbi sa bayan.

Sa kaniyang pagdalo sa ika-88 anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay may dalang mga magagandang balita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Isa na rito ang pagtataas ng buwanang gratuity pay ng mga Medal of Valor awardees ng Hukbong Sandatahan.

Ang pagtataas na ito, aniya, ay batay na rin sa rekomendasyon ng Department of National Defense (DND) at AFP. Ito rin ay bahagi ng suporta at pagkilala sa katapangan at kabayanihan na ipinamalas ng mga nakatanggap ng nasabing parangal.

“This will provide our heroes with a tangible and meaningful reward, highlighting our commitment to support and to honor our war heroes,” saad ni Marcos sa kaniyang talumpati sa selebrasyon ng pagtatatag sa AFP na ginanap nitong Huwebes, Disyembre 21, sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Bukod sa pagbibigay pugay sa kabayanihan ng mga Medal of Valor awardees ay kinilala rin ng pangulo ang katapangan at sakripisyo ng mga miyembro ng AFP.

“I look forward to more decades of the AFP’s excellent and selfless service to the nation, especially now that we are transforming our country into ‘Bagong Pilipinas’ that is rightfully due to our people,” ani Marcos.