Itataguyod mag-isa ang pamilya: Dating partner ni Pokwang, ipapa-deport at blacklist ng Immigration

Anim na buwan matapos hilingin sa Bureau of Immigration na i-deport ang dating partner, nakuha na ng aktres na si Pokwang ang hustisya nang katigan siya ng ahensiya. Ibig sabihin, malaya na niyang maitataguyod mag-isa ang kanilang anak na si Malia.

Ipapa-deport at ilalagay sa blacklist ang dating partner ng aktres na si Pokwang na si Lee O’Brian.

Iyan ay matapos katigan ng Bureau of Immigration (BI) ang petisyong hinain ng aktres noon pang Hunyo, kung saan hiniling niyang i-deport ang lalaki dahil financial abuse, intimidation, at abandonment sa anak nilang si Malia.

Sa resolusyon nito, sinabi ng BI na nilabag ni Lee ang mga termino at kundisyon sa kaniyang pananatili sa bansa bilang banyaga dahil naging aktibo umano ito sa larangan ng pelikula, telebisyon, at teatro mula pa noong 2016 kahit pa tourist visa lamang ang meron ito.

“Nagpapasalamat ako una sa Panginoon dahil pinakinggan niya ang aking mga dasal na magkaroon ng hustisya ang nangyari sa akin at sa aking anak. Lubos din akong nagpapasalamat sa lahat ng aking mga kaibigan at taga suporta na sinamahan ako sa bahagi na ito ng buhay ko,” saad ni Pokwang sa isang pahayag matapos ibaba ng BI ang desisyon nito.

Tiniyak rin niyang gagawin niya ang lahat upang itaguyod ang pamilya niya kahit mag-isa lamang ito.

“Hinding-hindi ko makakalimutan ang lahat ng taong tumulong sa amin ni Malia. Ngayon, lalo kong susubukan na maging mahusay na ina at ama sa aking anak. Lalo pa akong magsisikap sa araw-araw para maitaguyod ko ang aking pamilya,” aniya.