Itaga sa batas! Bato: Pagsasa-batas ng police operational procedures, karagdagang training, pinag-aaralan

Dismayado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa tila sunod-sunod na insidente ng kapalpakan na sangkot ang ilang miyembro ng pulis.

Dismayado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa tila sunod-sunod na insidente ng kapalpakan na sangkot ang ilang miyembro ng pulis.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng mambabatas, na isang dating Philippine National Police (PNP) chief, na tinitingnan niya ang posibilidad na isabatas ang mga police operational procedures na itinuturo sa mga training.

“Tayo ay nalulungkot dahil ine-expect natin the best performance, pero di perpekto ang [organization.] Tayo ay nalulungkot sa pangyayari,” ani dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order. “We must go back to [the] drawing board kung saan nag-ugat ang pangyayari.”

Paliwanag ni Dela Rosa, nakikita niya ang karagdagan pang training para solusyunan ang mga isyu na labis-labis na gamit ng dahas at kakulangan sa kaalaman ng pamamaraan.

“Naiisip ko yung training kung gusto natin ma-institutionalize ang paggamit ng police operational procedure. So far, yun ang nakikita nating kailangan talaga,” ani Dela Rosa, na kasalukuyang nagsasagawa ng pagdinig sa mga insidenteng sangkot ang miyembro ng PNP.

“Dapat lahat ito ay produkto pa ng training. Nang hindi pa natin ibinalik ang National Training Institute, napabayaan ang kanilang training. Kaya nung ako ay CPNP, nag-lobby ako sa Senado na ibalik sa PNP ang Training Institute. Dapat pagtuunan ng pansin ang force continuum, considerable hours naman ang nakatutok,” dagdag pa ng mambabatas.

Ani Dela Rosa, nakasalalay kay PNP chief General Benjamin Acorda kung paano mareremedyohan ang reputasyon ng kapulisan, na nakaranas ng sunod-sunod na black eye sa mga nakalipas na araw.

Kabilang rito ang pagpatay kay Jemboy Baltazar, dalawang insidente ng road rage, at ang pagkakahuli sa mga kawani nito na nag-positibo umano sa iligal na droga.

“Challenge yan sa [PNP Chief] at sa buong PNP. Lahat ng pulis diyan, worried din ‘yan dahil nasasayangan sa effort nila. Ilan lang naman ang sira-ulo diyan, marami ang matitino. Lahat ‘yan worried, magtulungan silang lahat, di kakayanin ng CPNP kung siya lang magsumikap dapat magtulungan sila,” ani Dela Rosa.