Isumbong sa DOLE ‘yan! Riders nagwelga kontra Grab at ‘unfair labor practices’ nito

Hindi nagustuhan ng ibang riders ng Grab ang mga bagong patakaran nito na anila ay hindi makatarungan, kung kaya nagwelga ang mga ito bilang protesta.

Daan-daang delivery riders ng Grab ang nagsagawa ng kilos-protesta sa kahabaan ng Tomas Morato sa Quezon City dahil diumano sa mga unfair labor practices ng kumpanya

Partikular na inalmahan ng mga miyembro ng National Union of Food Delivery Riders ang pagbaba ng new fare matrix ng Grab na anila’y makakabawas pa sa maliit na kita nila. Nirereklamo rin nila ang kakulangan sa health insurance dahil medical reimbursement lamang daw ang binibigay ng Grab sa kanila.

Ayon pa sa mga nagpo-protesta, ang kaltas sa kanilang kita ay mapupunta lamang sa maintenance ng platform ng grab. Dagdag pa nila, hindi rin sila kinonsulta man lang ng kumpanya hinggilk sa panibagong fare matrix na ito.

Bukod pa rito, pinabulaanan rin nila na nalulugmok sa kahirapan ang Grab dahil nakakakuha pa aniya ng mga pamosong endorser ang kumpanya.