Isuko na yan sa FBI! Pilipinas, dapat makipagtulungan sa Amerika sa kaso ni Apollo Quiboloy—DOJ

Handa ang Pilipinas na makipagtulungan sa Estados Unidos kung nais nitong simulan na ang extradition ni Pastor Apollo Quiboloy, na nakakaharap sa patung-patong na kaso gaya ng sex trafficking, visa fraud, at money laundering.

Sinabi ng Department of Justice (DOJ) na tungkulin ng bansa na makipagtulungan sa Estados Unidos sa pagtugis nito sa televangelist na si Apollo Quiboloy, na isinama ng Federal Bureau of Investigation sa most wanted list nito kaugnay sa mga kasong sex trafficking, visa fraud, at money laundering.

Gayunpaman, kailangan pa rin magpadala ng pormal na kahilingan ang Amerika para dito, ayon na rin sa ahensiya.

“Once we receive the request, we will do our job according to the law and our department’s processes, regardless of the people involved,” pagtitiyak ni George Ortha II, chief state counsel ng DOJ sa isang panayam sa radyo.

Ito ay kahanay rin nang una nang sinabi ni dating DOJ Secretary Menardo Guevarra na hindi maaaring iproseso ang extradition ni Quiboloy sa Estados Unidos ng walang pormal na kahilingan mula sa Estados Unidos.

“Extradition cannot be done motu proprio, especially if the subject is our own citizen. Any communication will be coursed through diplomatic channels,” paliwanag niya noon.

Sinegundahan ito ni Justice Secretary Crispin Remulla, na tiniyak ang kooperasyon ng Pilipinas kung sakaling nais simulant ng Amerika ang extradition ni Quiboloy.

“In our case, we have a treaty with them, we have an extradition treaty, and we have to abide by the terms and conditions of our agreements with our friends from abroad,” saad ni Remulla.