Isuko na ito sa FBI! Korte ng batas lang ako sisipot, hindi sa Senado–Apollo Quiboloy, na pinaghahanap ng US gov’t sa patung-patong na kaso

Sinabi ni Quiboloy na hindi niya sisiputin ang mga pagdinig sa Senado kahit pa padalhan ito ng subpoena. Aniya, haharapin lamang niya ang mga akusasyon sa korte o “court of law.”

Hindi sisipot si Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa mga pagdinig na isinasagawa ng Senado ukol sa mga alegasyong inaabuso niya ang dating mga miyembro ng kaniyang grupo.

Iyan ang idineklara ni Quiboloy sa isang video mula sa SMNI Network, kung saan pinabulaanan niya ang mga alegasyon ng pang-aabuso.

“Kahit sino puwedeng gumawa ng ganong alegasyon. Sapagkat wala naman silang sasagutin pa kasi under sila sa inyong Senate hearing. After ng hearing na iyan talagang mananagot po sila sa batas, sa mga false allegations lalo na ang reputasyon ko po ang nakataya dito,” saad niya.

Sinabi rin niyang hindi niya sisiputin ang mga pagdinig sa Senado kahit pa padalhan ito ng subpoena. Aniya, haharapin lamang niya ang mga akusasyon sa korte o “court of law.”

“Kahit 100 pang witnesses ang inyo pong bayaran I will face you anytime, anywhere in a court of law. Just do it, and I will face you anywhere, anytime in a court of law. If you cannot do that then you are all bogus, you are all false and you don’t deserve my respect,” dagdag pa ni Quiboloy.

Ganoon rin ang sabi niya tungkol sa mga alegasyon sa kaniya sa Estados Unidos, kung saan kabilang siya sa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa mga kasong rape at human trafficking.