Israeli agriculture expert, nagbahagi ng karanasan, makabagong teknolohiya sa mga opisyal ng DA

Dumating sa bansa si Prof. Uri Yermiyahu, isang Israeli agriculture expert, upang ibahagi ang mga technological advancement ng kanilang bayan dito sa Pilipinas, ayon sa Israel Embassy.

Ibinahagi kamakailan lang ng bansang Israel sa Pilipinas ang kahusayan nito sa agrikultura. Ang pagbabahaging ito ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na siya ring namununo sa Department of Agriculture (DA).

Ayon sa Israeli Embassy, inimbitahan nito si Prof. Uri Yermiyahu, Deputy Director ng Volcani Institute of Israel, upang magbahagi ng kaniyang mga kaalaman kung paano naging world leader ang Israel sa larangan ng agrikultura. Si Prof. Yermiyahu ay isa ring eksperto sa agrikultura.

Tinalakay ni Prof. Yermiyahuy sa mga opisyal ng agrikultura ng bansa ang kung paano pinauunlad ng pagsasaliksik ang agrikultura ng Israel. Sumali rin siya sa mga panel discussion upang talakayin ang estado ng agriculture research sa dalawang bansa at magbigay kaalaman kung paano bumuo ng programa ng pagsasaliksik.

“Sharing Prof. Uri’s expertise with the Philippines exemplifies creating bridges of innovation and technology between our two nations,” pahayag ni Ilan Fluss, ang ambassador ng Israel sa Pilipinas. “This initiative is a response to the call of President Marcos Jr. for Israel to help the agriculture sector of the Philippines.”

Nakipagugnayan rin si Uri sa Israel Chamber of Commerce in the Philippines kung saan ibinahagi niya ang ilang tips pagdating sa plant nutrition.

“Farming is a pursuit that unites Israel and the Philippines in our shared conquest for sustainable prosperity and food security,” ayon kay Israel deputy ambassador Esty Buzgan.

Dagdag pa niya: “Our countries may be oceans apart, but our agricultural challenges and triumphs bridge the gap.”