Ipatupad na ‘yan! No parking, no registration dapat nang ipatupad hirit ng transportation group

Nais ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas na ipatupad na ng Land Transportation Office ang No Garage, No Registration Act upang mabawasan ang paninikip ng mga kalsada.

Isinusulong ng grupong Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) ang pagpapatupad ng no garage, no registration, na una nang naisabatas sa bisa ng No Garage, No Registration Act.

Kaugnay nito ay hinimok ni LTOP President Orlando Marquez ang Land Transportation Office (LTO) na pangunahan na ang pag-papairal sa nasabing batas kung saan hindi mairerehistro ang mga sasakyan kung walang garahe o parking area ang may-ari nito.

Ang papatupad ng nasabing batas ani Marquez ay isa sa mga maaaring solusyon sa lumalalang traffic at sa patuloy na congestion ng mga lansangan.

“Bakit hindi ipatupad ng LTO ‘yung batas na No Garage No Registration Act ‘yan lamang ang nakikita ko na dagdag na tulong para malunasan ang matinding traffic sa ibat ibang lugar sa Metro Manila,” pahayag ni Marquez.

Dagdag pa ni Marquez, patuloy lamang dumarami ang mga sasakyan sa bansa na siya namang lalong nagpapasikip ng mga kalsada, at ito diumani ay isa sa mga ugat ng matinding traffic.

Tiniyak naman ni LTO Chief Vigor Mendoza II masusing pinag-aaralan ng ahensiya ang pagpapatupad sa nasabing batas.’’