Ipapaalam natin sa mundo ito! Pilipinas at MIF, isusulong ni Romualdez sa World Economic Forum sa Switzerland

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, bibigyang-diin niya ang mga repormang ipinatupad ng pangulo para sa ekonomiya, pati na rin ang mga inisyatibo nito upang mas maging kaaya-aya ang bansa sa pagtatayo ng negosyo.

Isusulong ng delegasyon ng Pilipinas sa taunang pagpupulong ng World Economic Forum (WEF) ang bansa bilang kaaya-ayang destinasyong para sa mga nais mamuhunan, pati na rin ang Maharlika Investment Fund (MIF) nito.

Pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez ang naturang delegasyon na kumakatawan sa Pilipinas sa naturang pagtitipon sa Davos, Switzerland simula Enero 15 hanggang 19.

“We are committed to leveraging this international platform to escalate the effort of the administration of President Ferdinand R. Marcos Jr. to promote the Philippines as an attractive and secure investment destination, ultimately benefitting the Filipino people with more jobs and business opportunities,” sabi ni Romualdez sa isang pahayag nitong Lunes, Enero 15.

Aniya, bibigyang-diin niya ang mga repormang ipinatupad ng pangulo para sa ekonomiya, pati na rin ang mga inisyatibo nito upang mas maging kaaya-aya ang bansa sa pagtatayo ng negosyo.

Dadalo rin sa iba’t ibang bilateral meeting si Romualdez, na personal na isusulong ang MIF ng Pilipinas.

“We are confident that our engagement with some of the world’s top business leaders and political leaders would generate significant interest and recognition of our Maharlika Investment Fund as a compelling platform for direct foreign investments,” aniya.