Ipakita na sinsero talaga: CPP-NPA dapat tuluyan nang talikuran ang karahasan sa pagsulong sa usapang pangkapayapaan—mambabatas

Bagaman tutol ito sa armed struggle, nirerespeto ng isang mambabatas ang ideolohiya ng mga rebeldeng komunista, na aniya’y pwede naman nitong isulong sa ligal at mapayapang paraan.

Marapat lang na talikuran ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang karahasan upang patunayang sinsero sila sa pag-atim ng pangmatagalang kapayapaan.

“Very particular ako doon sa kanilang pag-lay down noong kanilang armas, iyong pag-surrender ng armas kasi that would show their sincerity on their part that they are indeed serious in pursuing peace talks with the government,” giit ni Sen. JV Ejercito sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon.

Aniya, maaari rin kasing patibong lamang ito ng mga rebeldeng komunista upang sila ay muling makapagpalakas. Gayunpaman, umaasa pa rin si Ejercito na talagang mabuti ang hangarin ng CPP-NPA-NDF sa muling pagbalik nito sa usapang kapayapaan.

Dagdag pa ng senador, bagaman tutol ito sa armed struggle, nirerespeto niya ang ideolohiya ng mga rebeldeng komunista, na aniya’y pwede naman nitong isulong sa ligal at mapayapang paraan.

“Doon po sa party-list system, dati naman pong napakarami nilang representative diyan as long as iyong kanilang adbokasiya ipaglaban nila. Ako, sa akin, okay po iyon as long as, again, i-give up na talaga iyong armed struggle,” paliwanag ni Ejercito.