Ipaglaban ang makatarungang lipunan – Romualdez

Ipinaalala ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga Pilipino na ang kalayaan at kasarinlan ay may kaakibat na responsibilidad na ipaglaban ang isang makatarungang lipunan.

Ipinaalala ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa mga Pilipino na ang kalayaan at kasarinlan ay may kaakibat na responsibilidad na ipaglaban ang isang makatarungang lipunan.

Ipinahayag ito ni Speaker Romualdez sa pagdiriwang ng ika-126 Araw ng Kalayaan sa makasaysayang Barasoain Church, kung saan isinilang ang unang demokratikong republika.

“Ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa ating makulay na kasaysayan. Pagkakataon din ito para tayo’y magkaisa sa pagbuo ng isang mas maunlad at makatarungang lipunan. Sa bawat hakbang natin patungo sa kaunlaran, lagi nating tandaan ang mga aral ng nakaraan at ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno,” ani Romualdez.

Kasama ni Romualdez sa event ang ilang miyembro ng Kamara de Representantes at mga lokal na opisyal, kabilang si Bulacan Gov. Daniel Fernando.

Anang lider ng Kamara, dapat nating tandaan ang mga aral ng nakaraan at ang mga sakripisyo ng ating mga ninuno habang patuloy tayong sumusunod sa landas ng kaunlaran.

“Sa ating lahat, isang maligayang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan! Nawa’y patuloy tayong magsilbing inspirasyon sa isa’t isa. Sama-sama nating itaguyod ang isang bansang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad,” dagdag pa ng Speaker.