Ipa-notaryo niyo ang inventory, ha? Hingan ng affidavit ang mga rice retailer para madaling habulin kapag nagsinungaling – solon

Hinihingan ng affidavit ni Albay Rep. Edcel Lagman ang mga retailer ng bigas kung saan nakasaad ang imbentaryo nila at halaga noong binili nila ito

Kaya niyo bang panumpaan sa notaryo yan?

Iyan ang tila hamon ni Albay Rep. Edcel Lagman sa mga retailer ng bigas nang imungkahi ng mambabatas sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na hingan sa notaryadong affidavit ang kanilang imbentaryo ng bigas at presyo kung magkano nila ito nabili.

Ayon kay Lagman, magsisilbing baseline data ito ng gobyerno na magagamit sa anumang klaseng ayuda ang maaaring ipamahagi sa mga retailer ng bigas na maapektuhan ng Executive Order No. 39 na nagtatakda ng presyo sa pangunahing pagkain ng Pilipino.

Suhestyon ng mambabatas, maaaring bilhin ng NFA na lang ang imbentaryo ng mga retailer kahit mataas pa sa presyo noong mabili nila ito.

NFA na rin ang magbebenta nito sa publiko ayon sa takdang presyo sa EO No. 39, kahit na palugi ang benta ng ahensiya.

Naniniwala si Lagman na malaking tulong ang hakbang na ito para sa parehong nagbebenta ng bigas at mamimili.

Umaaray na ang mga retailer ng bigas sa takdang presyo nito sa ilalim ng EO No. 39, na nakakasang ipatupad simula Martes, Setyembre 4.

Itinakda ang presyo ng regular milled rice sa P41, habang P45 naman ang well-milled rice. Hindi kasama sa takdang presyo ang mga special at premium rice.