Internet para sa lahat ng Pilipino! PBBM, target ang national connectivity hanggang 2026

Isa ang digitalization sa mga nais maisakatuparan ng gobyerno  ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at malaking bahagi dito ang siguraduhing may internet connection ang lahat ng lugar sa bansa.

Layon ng gobyerno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maisakatuparan ang target nitong national fiber backbone connectivity hanggang 2026, pati na rin ang paglalagay ng libreng Wi-Fi sa lahat ng barangay sa bansa.

“The National Fiber Backbone is now 70 percent in Luzon. Ang target is by 2026 matapos natin from North Luzon to Mindanao and hopefully, we are also inviting investors so that they can establish additional cable landing stations off the tip of Mindanao as a redundancy kasi most of our cable landing stations are actually concentrated in Luzon and then there are a few in Visayas,” paliwanag ni Department of Information and Communications Technology Undersecretary Jeffrey Dy sa isang news forum sa Quezon City noong Sabado, Oktubre 14.

Ang National Fiber Backbone ay iba pa sa mga ino-offer na fiber connection ng mga telecom na gaya ng PLDT at Converge, at ito ay tinatayang aabot sa 28,000 kilometro mula Luzon hanggang Mindanao.

Samantala, layo ng gobyerno na magtayo ng may 110,000 sites hanggang 2026 o 2027 upang makapagbigay ng free Wi-Fi sa iba’t ibang lugar sa bansa, ayon kay Dy.

Tinatayang halos P50 bilyon rin ang gagastusin ng pamahalaan para dito.

“By next year, ang target po natin ay 15,000 barangays. We are hoping to cover 110,000 sites all in all – ibig sabihin, may mga barangay that will have more than one or two sites sa free Wi-Fi,” dagdag ni Dy.

Kung maisakatuparan, magiging malaking tulong ang mga connectivity projects ng pamahalaan sa kagustuhan ni Pangulong Marcos na gawing digital ang bansa.