Insidente sa WPS kasalanan ng Pinas – Harry Roque

Isinisi ni Atty. Harry Roque sa Pilipinas ang nangyayaring pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Isinisi ni Atty. Harry Roque sa Pilipinas ang nangyayaring pambu-bully ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Sa programang Pulso ng Bayan sa Sonshine Media Network International (SMNI), sinabi ni Roque na nagdadala raw ng repair materials ang Philippine Coast Guard (PCG) na siyang ikinagagalit ng China.

“Basta ang status quo walang problema. Kung ang dadalhin ay tubig at pagkain lamang sa [BRP] Sierra Madre eh walang problema,” saad ni Roque. “Pero, ang nangyayari eh pinipilit din ng Pilipinas ngayon na magdala ng mga repair materials, kaya tuloy sinasalubong sila ng water cannon.”

Sa kanyang teorya, nakikita umano ni Roque na sinasadya ng Pilipinas na magkagulo sa WPS upang tumulong ang Amerika sa bisa ng Mutual Defense Treaty.

“Ang tingin ko, talagang intensyon ng Pilipinas na talagang galitin ang Tsina nang sa gano’n, magkaroon ng mas marami pang ganitong insidente at makakatakbo tayo sa Amerika under the Mutual Defense Treaty para labanan ang Tsina,” wika pa ni Roque.

Gayunman, hindi umano mapagkakatiwalaan ang Amerika pagdating sa kaguluhan sa WPS.

“Pero aking teorya mabibigo tayo. Dahil tingnan man natin ang nangyayari sa daigdig. ‘Yung nagsalita recently si President Biden, nung sinabi niya ang mga prayoridad niya sa Asya, hindi po niya nabanggit ang Pilipinas,” dagdag pa ni Roque.

Nitong Sabado lamang ay sinalubong ng water cannon ang resupply mission ng Pilipinas sa Ayungin Shoal. Malinaw na nakasaad sa 2016 arbitral ruling na ang Ayungin Shoal ay pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.